Umabot sa 272,164 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa tatlong araw na pag-arangkada ng Bayanihan Bakunahan sa lambak ng Cagayan.

Batay sa report ng ahensya, ang naturang datos ay mula sa 89 LGUs na nagbigay ng kanilang datos kahapon.

Sa ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang vaccination roll out ng DOH region 2 upang maabot ang target percentage ng herd immunity sa lambak ng Cagayan.

Samantala, umabot sa 1,185 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa inilunsad na tatlong araw na vaccination drive sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ito ay kinabibilangan ng 897 na nakatanggap ng 1st dose at 288 sa 2nd dose.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Cherry Lou Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC, karamihan sa mga pumunta ay walk in mula sa hanay ng pediatric at adult population na galing sa mga karatig bayan at sa lungsod ng Tuguegarao.

Bukod sa nasabing bilang ay nakapagbigay din aniya sila ng booster shots sa 251 qualified individuals tulad ng mga health workers ng ospital.

Sinabi ni Antonio na naging maayos ang isinagawang pagbabakuna sa CVMC dahil may bukod na vaccination team ang itinatalaga sa mga tumanggap ng 1st at 2nd dose maging sa pediatric vaccination at mga tumanggap ng booster vaccine.

Sa ngayon ay patuloy aniya ang paglalatag ng ospital ng mahigpit na panuntunan upang mamonitor ang kondisyon ng kanilang mga kawani dahil sa pangamba sa banta ng omicron variant.

Bahagi nito ay nagsasagawa sila ng regular na swab test sa lahat ng mga empleyado habang dumadaan din sa assessment at RT-PCR o Antigen swab test ang mga pasyenteng dinadala sa ospital.

Nagpaalala si Antonio sa publiko na bagamat patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID 19 at wala pang matutuklasang kaso ng omicron variant sa bansa ay panatilihin pa rin ang pagsunod sa mga panuntunan para sa ligtas na pagdiriwang ng kapaskuhan.