Umakyat na sa apat ang narekober na bangkay, habang tatlo ang nawawala at anim ang nakaligtas sa pagtaob ng isang bangkang pangisda sa baybayin ng Barangay San Vicente, Sta. Ana, Cagayan noong Setyembre 22, 2025 sa kasagsagan ng Super Typhoon Nando.
Ayon kay LT. Junior Grade Lamie Manglugay, Information Officer ng Coast Guard District North Eastern Luzon, labing tatlong mangingisda galing sa Aurora Province ang lulan ng nasabing bangka nang sumilong ito dahil sa banta ng Super Typhoon Nando.
Apat sa kanila ay nag-force evacuate na noong Sept 20, habang ang iba ay nanatili sa bangka.
Sinabi ni Manglugay na agad rumesponde ang mga coast guard personnel ng Sta. Ana sa lugar nang i-report ng may-ari ng bangka na hindi na matawagan ang mga kasamahan nito.
Base sa initial investigation, habang naka-angkla ang bangka, binayo ito ng sunod-sunod at malalakas na hampas ng alon at malalakas na hangin na nagbunsod ng pagtagilid nito hanggang sa ito ay tuluyang tumaob.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation kung saan una rito ay naisalba ang dalawang mangingisda sa pamamagitan ng pag-chainsaw sa isang bahagi ng bangka habang natagpuan ang isang bangkay na palutang-lutang sa layong 100m mula sa bangka.
Kasunod nito ay natagpuan ng Philippine Navy ang dalawa pang nasawi sa mangroves area bago natagpuan ang ikaapat na biktima bandang hapon.
Ang anim na survivors at mga nasawi ay pawang mga residente ng Quezon Province at Camarines Norte, habang ang isa pang namatay ay mula sa Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang search and rescue efforts ng Philippine Coast Guard katuwang ang iba pang mga rescue team.