Isa ang panggagahasa sa may pinakamaraming krimen na naitala sa bayan ng Peñablanca batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).

Sa datos mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, lima ang naitalang kaso ng rape kung saan tatlo rito ay naresolba na habang ang dalawa ay nasampahan ng kaso sa pamamagitan ng regular filing.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Harold Ocfemia, officer-in-charge ng PNP-Peñablanca na dalawa sa mga akusado ay nai-turnover na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Custodial Facility habang ang isa ay nasa kostodiya pa ng pulisya at inaantay na lamang ang resolusyon mula sa korte para mailipat ito ng kulungan.

Naniniwala naman si Ocfemia na ang naitalang mataas na kaso ng panggagahasa sa Peñablanca ay resulta ng kanilang mas pinaigting na information dessimination tungkol sa crime prescription ng rape case.

Dahil dito, ay mayroong mga kaso na ngayon lamang naireport sa kanila subalit matagal nang nangyari.

-- ADVERTISEMENT --

Maliban dito, iniulat rin ni Ocfemia ang mga accomplishment at best practices ng pulisya sa naturang bayan.

Kasama dito ang patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga kung saan sa 24 na barangay sa naturang bayan ay tanging ang Brgy Alimannao na lamang ang hindi pa nadedeklara na Drug Cleared barangay na tinututukan na sa kasalukuyan.

Mula naman sa mga police operation ay nasa 14 na wanted person na nahaharap sa ibat-ibang krimen ang naaresto na ng pulisya batay sa datos nitong Hulyo.

Sa kampanya naman sa environmental law ay naisampa na sa korte ang kaukulang kaso laban sa isang suspek na nahulihan ng limang sako ng uling na nagkakahalaga ng P4,000 at walang kaukulang papeles.

Samantala, inaasahan namang matatapos at maipapamahagi na sa napiling benepisaryo sa buwan ng Setyembre ang P200,000 halaga ng “Pabahay Project” Program ng PNP sa pamilya ni Rolando Santiago ng Brgy Bugatay.

Bahagi rin ng kanilang best practices ang interbensyon sa komunidad sa pamamagitan ng adopt a family at community outreach proram na nakatuon sa pag-abot sa mga kapus-palad na pamilya.

Nangako rin si Ocfemia na magpapatuloy ang pagsasagawa nila ng tree planting activity sa lugar.