Umakyat na sa higit 2,000 reklamo ang pumasok sa Sumbong sa Pangulo website, para sa flood control projects na substandard o hindi nararamdaman o hindi nakikita ng publiko.

Ang datos na ito, ayon kay Communications Usec. Claire Castro ay sa loob lamang ng isang linggo, makaraang ilunsad ang online portal.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na ilan sa mga isinumbong na flood control projects, personal nang ininspeksyon ng Pangulo.

Personal na ring nakita ng Pangulo ang kapalpakan sa mga proyektong ito.

Kabilang na dito ang ghost flood control project sa Baliuag, Bulacan kaninang umaga (August 20), kung saan walang naitayong istruktura sa lugar, gayung bayad na ng gobyerno ang P55 milyon na kontrata nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sabi ng opisyal, inatasan na rin ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilabas na ang lahat ng listahan ng flood control projects, upang masiguro na walang makalulusot na palpak na proyekto.

Habang ipinapa-blacklist na rin ng Pangulo ang mga kumpanyang pumalpak sa pagpapatupad ng mga flood control projects, upang hindi na muling makakuha ng kontrata sa gobyerno.