TUGUEGARAO CITY-Inihayag ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na dalawang suspected patient na lamang ng Coronavirus disease (COVID-19)ang kanilang minomonitor sa pagamutan.
Ayon kay Dr. Baggao, natanggap ng ospital ang resulta ng mga ipinadalang specimen sa Baguio General Hospital kahapon, Mayo 21,2020 kung saan negatibo sa virus ang lahat.
Aniya, maging ang pangatlong swab test ng pasyente na nagpositibo sa virus,kamakailan na mula sa Bayan ng Baggao ay negatibo na rin covid-19.
Kaugnay nito, ilan sa mga pasyente ay ipagpapatuloy ang kanilang 14 day quarantine sa kanilang mga tahanan habang ang ilan ay nananatiling nasa pagamutan para mamonitor ang kanilang ibang sakit tulad ng hypertension at iba pa.
Dahil dito, sinabi ni Baggao na mula sa pitong suspected case ay bumaba na sa dalawa habang zero ang probable maging ang positive case sa CVMC.
Sa kabila nito, muling ipinaalala ni Dr. Baggao na huwag magpakampante sa halip ay sundin ang mga alituntunin para makaiwas sa virus tulad ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng social distancing at kalinisan sa katawan.
Samantala, sinabi ni Baggao na ngayong araw, Mayo 22, 2020, inaasahang darating ang resulta ng swab test ng dalawang suspected patient.