Inihayag ng Commission on Population and Development (POPCOM), na mataas pa rin ang bilang ng unplanned o unintended pregnancies sa bansa.
Ayon kay POPCOM USec Juan Antonio Perez, tinatayang nasa 200,000 hanggang 300,000 ang kaso nito sa bansa.
Gayonman ay sinabi naman nito na bumaba ang bilang ng mga nanganak noong taong 2020 na nasa 1.5M habang 1.3M naman nitong 2021 at nabawasan ito kung ikukumpara sa average na bilang ng mga nabuntis noong 2015 hanggang 2019 na may higit 1.6M.
Ipinunto niya na ito ngayon ang tinututukan ng kanilang hanay katuwang ang Department of Health at ng mga LGUs upang mapababa ang mga hindi planadong pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kanilang programa na magbibigay ng tamang kaalaman sa mga kababaihan.
Sinabi niya na nasa 1.5M na kababaihan ang hindi pa umano naaabot ng family planning program ng pamahalaan kaya’t patuloy nilang pinagsisikapan itongh matugunan.
Panawagan nito sa susunod na administrasyon na tutukan ang pagpapalakas ng family planning na isang hakbang sa epektibong pagkontrol sa pagdami ng populasyon sa bansa.
Bumisita si Perez sa lungsod ng Tuguegarao upang talakayin ang mga development programs ng ahensya tungo sa pagpapatupad ng devolve function patungo sa mga local government units ayon sa Mandanas Ruling.