Inanunsyo ni Bicol Saro Party-list Representative at House InfraComm chairperson Terry Ridon na ang susunod na pagdinig ng tatlong-panel na House Infrastructure Committee sa Setyembre 9 ay magtutuon sa mga kumpanya ni Sarah Discaya na umano’y kumita ng bilyong piso mula sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Ayon kay Ridon, iimbestigahan ang mga proyekto ng mga kumpanyang ito, ang kanilang estruktura, at kung paano sila sumali sa mga bidding.

Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena ay sina Discaya at ilang contractor gaya nina Mark Arevalo ng Wawao Builders Corp., Miguel Juntura ng St. Timothy Construction Corp., Romeo Miranda ng Royal Crown Monarch Construction, at Sally Santos ng Syms Construction Trading.

Matatandaang kinansela ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na construction firm na pagmamay-ari ni Discaya matapos nitong aminin sa Senado na sabay-sabay na sumasali sa bidding ang kanyang mga kumpanya.

Kasama rin sa mga tatalakayin sa hearing ang umano’y “ghost project” na P96-milyong flood control sa Plaridel, Bulacan, na in-award sa Wawao Builders.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Ridon, maaaring imbitahan din ang mga miyembro ng bicameral conference committee ng 2024 national budget upang alamin kung sino ang nagpasok ng naturang line item. Babala pa ng mambabatas, maaaring ipaaresto ang mga contractor kung hindi sila dadalo sa hearing sa bisa ng contempt.