Mataas ang tiyansang maging isang tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras ang low pressure area (LPA) na mino-monitor ngayon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa state weather bureau.
Sa ulat ng ahensiya nitong Huwebes ng gabi, ang naturang LPA (07d) ay namataan sa layong 2,070 kilometro silangan-hilagang silangan ng dulong hilagang bahagi ng Luzon.
Samantala, isa pang LPA (07c) na nasa labas din ng PAR ay may katamtamang posibilidad na maging tropical depression.
Huling namataan ito sa layong 820 kilometro hilaga-silangan ng extreme northern Luzon.
Bukod dito, isa pang LPA na nalalabi mula sa Tropical Depression “Danas” (na lokal na kilala bilang Bagyong Bising) ay nananatili sa labas ng PAR at maliit ang tiyansang muling maging tropical depression.
Patuloy ang pagbabantay ng weather bureau sa mga naturang sama ng panahon para sa posibleng epekto nito sa bansa.