Patay ang isang binata na bumili lamang ng sigarilyo matapos mabundol ng pampasaherong van sa pambansang lansangan ng Brgy. Baybayog, Alcala, Cagayan.
Agad na nasawi ang biktimang si Benjie Abrena, 24-anyos, kasalukuyang nagtatrabaho bilang helper sa isang cockpit arena sa bayan ng Alcala at residente ng Negros Occidental.
Ayon kay PMAJ Dennis Matias, hepe ng PNP-Alcala, dakong alas 10:45 ng umaga noong Biyernes, February 11 habang nagpapakain at nag-aayos ang biktima sa mga panabong na manok ay naisipan umano niyang bumili ng sigarilyo sa tindahan na nasa kabilang linya ng lansangan o tapat ng kanyang pinagtatrabahuan.
Nagmamadali umanong tumawid sa kalsada ang biktima nang itoy pabalik na at hindi nito namalayan ang paparating na van na biyaheng Tuguegarao at minamaneho ni Alex Gacusan, 43-anyos at residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ng ilang metro ang biktima na mabilis na isinugod ng Rescue Team sa pagamutan subalit hindi na rin umabot ng buhay.
Nabatid pa na kamamatay lamang ng ina ng biktima kung kaya ang tiyahin nito ang nag-aasikaso para maiuwi ang bangkay sa Negros at nakikipag-usap sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.