Kulong ang isang magsasaka matapos umano nitong halayin ang kanyang menor-de-edad na pamangkin sa kanilang tahanan sa bayan ng Iguig.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCPT Delmar Abuzo, hepe ng PNP-Iguig na kasama ng kanyang tiyahin ay dumulog sa pulisya ang 14-anyos na biktima upang ireklamo ng panghahalay ang hindi na pinangalanang 54-anyos na suspek.
Kwento ng biktima, pinasok siya ng kanyang tiyuhin habang natutulog noong gabi ng Linggo, September 1 at ginawa ang panggagahasa.
Nagbanta pa umano ang suspek at tinangkang bayaran ng isang libong piso ngunit tinanggihan ng biktima at kaagad nagpasaklolo sa tiyahin.
Agad namang nadakip sa follow up operation ng pulisya ang manyakis na tiyuhin noong madaling araw ng September 2 at pormal na sinampahan ng kasong rape na todo tanggi sa akusasyon laban sa kanya.
Nabatid na nasa pangangalaga ng kanyang lola ang biktima at kasama nito sa bahay ang kanyang binatang tiyuhin.
—with reports from Bombo Marvin Cangcang