Natagpuan na ang 13 taong gulang na lalaki na nalunod sa ilog Cagayan sa bahagi ng Barangay Maddarulog, Enrile, Cagayan noong March 23.
Ayon sa Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) Tuguegarao station, nakita ang palutang-lutang na katawan ng hindi na kinilalang biktima ng mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Enrile kaninang umaga malapit sa Buntun bridge sa lungsod ng Tuguegarao.
Mismong ang tatay ng binatilyo ang nagkumpirma na ang natagpuang bangkay ay ang kanyang anak na nalunod nitong nakaraang araw.
Una rito, nagkayayaan ang biktima kasama ang ilang kaibigan na maligo sa ilog ng hapon nitong araw ng Linggo.
Napunta umano sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima, at nang hindi siya makita ng mga kaibigan ay agad na ipinaalam sa mga awtoridad.
Nabatid na hindi umano marunong lumangoya ang biktima.