Iniimbestigahan ang nanyaring ang aksidente sa kalsada sa Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija kahapon na ikinasawi ng isang 15-anyos na lalaki.

Bukod sa pagkamatay ng binatilyo, nasugatan din sa insidente ang kanyang ina at kapatid na babae na walong taong gulang.

Sinabi ni PEMS Vincent Castañeda, imbestigador ng PNP Carranglan, sa kanilang paunang imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang 10-wheeler truck na may lulang mga sako-sakong mais.

Ayon sa kanya, sinubukan umano ng pahinante na lagyan ng kalso ang gulong ng sasakyan, subalit hindi kinaya, at nagpasiya ang driver na ibangga ito sa barikada.

Dahil dito, tumaob ang truck at nagkalat ang mga sako-sakong mais.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Castañeda, nadamay sa aksidente ang mag-iina na papunta sana sa simbahan.

Ayon sa kanya, nadaganan ang binatilyo ng mais kung saan ay naihiwalay ang kanyang ulo matapos na maitama ito sa barikada.

Sa ngayon, ang driver ay nasa kustodiya na ng PNP Carranglan.

Nabatid na galing ng Isabela ang truck at papunta sana sa Bulacan.