Namatay ang isang 17-anyos na lalaking estudyante matapos na matabunan ng gumuhong lupa kahapon sa Brookside, Purok 6, Barangay Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Nakaranas kahapon ng hapon ang lugar na malalakas na buhos ng ulan, na nagbunsod ng pagbaha at landslides.
Agad naman na nagtungo sa lugar ang community volunteers, 1st Kalinga Provincial Mobile Force Company, Tabuk City Police Station (CPS), Special Action Force (SAF), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Army, Kalinga Provincial and Tabuk City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) na nagtulong-tulong sa search and rescue operation para iligtas ang binatilyo.
Alas otso na kagabi nang makuha ang katawan ng binatilyo, na agad na dinala sa ospital, subalit idineklara siyang dead on arrival.
Ang mga pag-uulan ay dahil sa Southwest Monsoon o Habagat na umiiral sa North Luzon at sa iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, nakaranas ng matinding pagbaha ang Lower Callagdao, Tabuk City kahapon.
Rumesponde sa lugar ang mga kinauukulan na nagsagawa ng clearing operation para sa mabilis na pagdakoy ng tubig-baha sa mga kabahayan.