Bumuo ang Department of Agriculture (DA) Region 2 ng Bantay Presyo Team na tututok sa pagmomonitor sa presyuhan ng bigas sa lambak ng Cagayan kasabay ng pagpapatupad price cap sa ilalim ng inilabas na Executive Order No. 39 ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Katuwang ng ahensya ang Department of Trade and Industry, National Food Authority, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police at mga Local Government Units sa ibat ibang bahagi ng rehiyon.

Ayon kay Rosemarie Aquino, Executive Director ng DA Region 2, nakatakda ng umikot ngayong araw ang mga miyembro ng binuong monitoring team upang direktang makita sa merkado ang presyo ng bigas sa kasalukuyan.

Paliwanag nito, may dalawang ligal na basehan ang pagpapatupad ng price cap sa bansa at kabilang dito ay RA 7581 o Price Act at ang RA 10854 o ang Anti Agricultural Smugging Act of 2016 at sakaling may mga makikita ang mga otoridad na nagmamanipula sa presyo ay bibigyan sila ng warning.

Giit niya na sa panahon na hindi makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas dahil sa manipulasyon na nagreresulta sa pagkakaroon ng artificial at hindi makatwirang pagtaas ng presyo ay may kapangyarihan ang pangulo na magpatupad ng price cap at ito ngayon ang direktiba sa kanila ng Central Office na dapat sundin.

-- ADVERTISEMENT --

Aminado si Aquino na sa ngayon ay hindi pa sila makakapagpataw ng kaukulang parusa sa mga mahuhuling nagtataas ng presyo ng bigas ngunit sa pagpapatuloy ng isasagawang monitoring hanggang sa katapusan ng buwan ay regular na magsusumiti ang Bantay Presyo Team kanilang price info report, trend analysis at rekomendasyon kung saan dito ibabatay ng kagawaran ang mga ipatutupad na hakbang at ilalatag na parusa para sa mga nagtataas ng presyo ng bigas.

Tiniyak niya na hindi lamang minsanang dadalawin ng grupo ang mga establishimentong nagbebenta ng bigas upang matiyak na maging consistent ang kanilang magiging presyuhan sa kanilang paninda.

Samantala, inihayag nito na kung hindi sana naapektohan ng nagdaang bagyong Egay at Goring ang mga pananim na palay sa rehiyon ay posible din sanang maabot ang 300k metric tons na produksyon ng bigas sa rehiyon.

Malaking bagay sana aniya ito upang makaagapay sa pagbalanse ng pagtaas ng presyo at maging sa pagkakaroon ng karagdagang supply hindi lang sa lambak ng Cagayan kundi maging sa iba pang mga rehiyon sa bansa tulad ng National Capital Region.