Nagsasagawa na ngayon ng masusing imbestigasyon ang binuong incident management team kasabay ng isinasagawang search and rescue operation sa nawawalang na RPC-8598 2-seater cessna plane na nag-take off mula Laoag City Airport patungong Tuguegarao City, kahapon.
Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), tanghali kahapon ng August 1 ng maiulat na missing ang cessna plane na sakay ang isang student pilot, kasama ang kanyang Pilot Instructor.
Sa isinagawng emergency meeting na pinangunahan ng Office of Civil Defense Region 2, natukoy aniya na papasok na sana sa bahagi ng Claveria, Cagayan ang eroplano ngunit nakasalubong nila ang sama ng panahon na maaaring nagresulta ng posibleng pagbagsak nito.
Batay aniya sa monitoring, nakapag-transmit pa ng impormasyon sa linya ng komunikasyon ang naturang eroplano at natukoy sa radar na ito ay nasa taas na 8000 ft pa at nasa 32 nautical miles sa Hilagang kanlurang bahagi ng Alcala, Cagayan bago nawala.
Sinabi niya na dalawang cessna plane ang lumipad galing sa Laoag City Airport patungong Tuguegarao ngunit isa lamang sa mga ito ang nakarating sa Lungsod.
Inihayag ni Rapsing na maaaring bumagsak ang naturang eropano sa bahagi ng Apayao, Abra o Kalinga ngunit sa ngayon ay puspusan itong pinag-aaralan ng mga otoridad upang mabilis na mahanap ng mga itinalagang search team ang lokasyon ng binagsakan nito.
Ang pilot instructor na sakay ng Cessna Plane ay nakilalang si Capt Edzel John Lumbao Tabuzo, resident of San Juan City, Metro Manila habang ang Student pilot naman ay si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian National.