
Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue o BIR ng tax evasion complaint na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Department of Justice.
Ayon sa BIR, nahaharap si Guo sa mga kasong paglabag sa National Internal Revenue Code dahil sa umano’y pagtatangkang umiwas sa pagbabayad ng buwis at kabiguang magsumite ng income tax returns mula 2019 hanggang 2023.
Batay sa imbestigasyon ng ahensya, umabot sa higit P1.008 bilyon ang tinatayang kakulangan sa buwis ni Guo, kabilang ang mga surcharge at interes.
Sinabi ng BIR na nagsimula ang kanilang pagsisiyasat matapos umanong aminin ni Guo sa isang pagdinig ng Senado noong 2024 ang pagmamay-ari ng iba’t ibang ari-arian, sasakyan, at interes sa ilang korporasyon.
Nadiskubre rin ng ahensya ang mga ari-arian at transaksyon na may kaugnayan kay Guo, kabilang ang mga lupa, sasakyan, helicopter, bank transactions, at iba pang investments.
Ayon sa BIR, hindi sapat ang mga dokumentong naisumite upang maipaliwanag ang lawak ng kanyang mga gastusin at transaksyon, dahilan upang mapag-alamang may hindi idineklarang kita at hindi nabayarang buwis.
Sa kasalukuyan, nakakulong si dating Mayor Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos mahatulan sa kasong qualified human trafficking noong Disyembre 2025.




