Kailangan nang magsumite ng birth certificate ang lahat ng kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Nobyembre 2, pati na rin sa mga susunod pang halalan.

Ayon kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia, layunin nito na maiwasan ang mga kaso ng maling representasyon at diskwalipikasyon, lalo na sa usapin ng edad at pagkamamamayan.

Ipinaliwanag niya na makakatulong ang birth certificate upang masigurong tama ang deklarasyon ng kandidato tungkol sa kanyang kapanganakan at citizenship, at maiwasan ang mga isyu gaya ng pagkakakandidato ng mga dayuhan.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng kaso ni Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac, na kinasuhan ng Comelec dahil sa umano’y maling pahayag sa kanyang certificate of candidacy noong 2022.

Lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumugma ang kanyang fingerprints sa isang Chinese national.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Garcia, hindi labag sa Konstitusyon ang bagong requirement dahil ang petsa at lugar ng kapanganakan ay bahagi na rin ng impormasyong hinihingi sa COC.

Iba ito sa naunang panukala na drug test requirement na hindi pinayagan ng Supreme Court dahil ito ay itinuturing na dagdag na qualification.

Ang filing ng COC para sa BSKE ay nakatakda mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5.