CTTO

TUGUEGARAO CITY-Ipagpapatuloy pa rin ni outgoing Archbishop Sergio Utleg ng Archdiocese of Tuguegarao ang kanyang pagmimisa kahit na wala na siya serbisyo.

Ito ay matapos tanggapin ni Pope Francis ang resignation ni Archbishop Utleg na kaniyang ipinadala sa Vatican kasabay ng kaniyang kaarawan nitong nakalipas na taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Utleg, magsasagawa pa rin siya ng banal na misa at anumang gawain na iuutos ng magiging Arsobispo ng Tuguegarao bilang bahagi paglilingkod sa mga deboto at Diyos.

Inihayag ng arsobispo na habang hinihintay ang papalit sa kaniya na si Bishop Ricardo Baccay ay siya pa rin ang magsisilbing Apostolic administrator.

Inaasahan na sa kalagitnaan ng buwan ng Enero sa susunod na taon uupo si Bishop Baccay na kasalukuyang Obispo sa Alaminos, Pangasinan.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na inanunsiyo nitong araw ng Biyernes ni Pope Francis ang pagtalaga kay Bishop Baccay bilang kapalit ni Archbishop Utleg.

Si Baccay ay tubong Tuguegarao at dating Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Tuguegarao.

kaugnay nito, sinabi ni Utleg na kanyang susuportahan ang anumang hakbang o mga programa na gustong ipatupad ni Baccay bilang susunod na Arsobispo ng Tuguegarao.

Si Utleg ay unang nagsilbing bishop noong 1997 sa Ilagan kung saan sampung taon siyang nanatili doon hanggang sa nailipat siya sa Laoag na umabot ng apat at kalahating taon at nitong 2011 nang mailipat siya dito sa Tuguegarao.

Nakilala si Archbishop Utleg dahil sa kaniyang adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan lalo na ang paglaban sa mining operation.

Malapit din ang arsobispo sa mga katutubo kung saan ilang beses siyang nagsagawa ng banal na misa sa mga liblib na lugar kung sumasapit ang pasko at pagsalubong ng bagong taon.