Kanselado ang biyahe ng mga barko at mga flight ng eroplano patungo at paalis sa isla ng Calayan, Cagayan dahil sa patuloy na nararanasang sama ng panahon na dulot ng hanging amihan o northeast monsoon.

Ayon kay Calayan Mayor Joseph Llopis, pansamantalang itinigil ang operasyon ng Sky Pasada at lahat ng klase ng mga sasakyang pandagat bunsod ng malalakas na hangin at mataas na alon sa dagat.

Bagamat may mga ilang pasahero na stranded, sinabi ng alkalde na ang mga ito ay pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kaanak sa mainland.

Tiniyak naman ni Llopis na sapat ang suplay ng mga basic commodities sa isla dahil nakabiyahe pa sa mainland ang mga sasakyang pandagat nitong mga nakalipas na araw.

Pinayagan na rin ng alkalde ang pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral matapos na kanselahin noong Lunes dahil sa masungit na panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Nakiusap aniya ang mga guro na payagan ang mga bata na bumalik sa eskuwela dahil kasalukuyan ang kanilang pagsusulit.