Hinigpitan ng Malacañang ang mga panuntunan sa pagbiyahe ng mga opisyal ng gobyerno patungong Taiwan at sa pagtanggap ng mga opisyal ng Taiwan sa Pilipinas.
Naglabas ng memorandum circular ang tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kung saan ano mang official activity na may kinalaman sa Taiwan ay kinakailangang mayroong clearance ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa dalawang pahinang Memorandum Circular No. 82 na pirmado ni Secretary Bersamin, ang paghihigpit sa pagbisita at pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng Taiwan ay para sa mga matataas na opisyal ng gobyerno partikular ang Presidente, Bise Presidente, Secretary of Foreign Affairs, at Secretary of National Defense.
Ang mga opisyal ng gobyerno na ang layon sa pagbisita sa Taiwan ay may kinalaman sa ekonomiya, kalakalan at pamumuhunan ay dapat na gumamit ng kanilang ordinaryong pasaporte at hindi gagamitin ang kanilang opisyal na titulo.
Kailangan din umanong ipaalam nang maaga sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang kanilang biyahe at makipag-ugnayan sa mga ito sa panahon ng kanilang pagbisita.
Inaatasan din ng Malacañang ang mga opisyal ng gobyerno na bibiyahe sa Taiwan na ang pakay ay may kinalaman sa kalakalan at pamumuhunan na magsumite ng detalye ng kanilang biyahe sa MECO at sa DFA.
Mahigpit na pinagbabawalan ang mga opisyal na pumasok sa ano mang kasunduan, memoranda of understanding at palitan ng iba pang dokumento sa alinmang mga Taiwanese organization o ahensiya nang walang clearance mula sa DFA o ano mang awtorisasyon mula sa Office of the President.