Kanselado na ngayon sa Isla ng Calayan ang paglalayag ng lahat ng mga sasakyang pandagat at pinagbabawal ang pamamalaot ng mga mangingisda matapos makaranas ng mga pag-ulan at pagbugso ng hangin dahil sa masamang panahon.
Sa panayam kay PMAJ Mario Maraggun, hepe ng PNP Calayan, patuloy ang kanilang maigting na monitoring katuwang ang Philippine Coast Guard upang mabantayan ang galaw ng mga residente at matiyak ang kanilang seguridad.
Saad niya, mapanganib sa sinuman ang pumalaot ngayon dahil sa maalong karagatan na may kasamang mga pag-ulan.
Gayonman ay patuloy aniya silang nakikipag-ugnayan sa mga islang barangay gamit ang radio based communication dahil sa mahirap na signal.
Inihayag din ni Mayor Joseph Llopis na una na siyang naglabas ng Executive Order kahapon para sa kanselasyon ng pasok ng mga mag-aaral sa lahat ng antas sa lugar maging ang pasok ng mga nasa pampublikong tanggapan.
Inabisuhan na rin aniya ng LGU Calayan ang lahat ng mga residente na nasa malalayo at mababang lugar na madalas magkaroon ng pagbaha na maging handa at alerto sa paglikas sakaling makaranas pa ng mas malakas na hangin at pag-ulan dahil nakahanda naman ang mga rescue assets at mga evacuation centers.
Tiwala ang alkalde na sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga paabiso at sapat kaalaman sa paghahanda ay matitiyak ang kaligtasan ng mga residente sa panahon ng kalamidad.