Inihayag ng Palasyo na nasa pagpapasya ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte kung nais niyang bumiyahe sa ibang bansa, basta’t alam ng kaniyang mga constituents ang kaniyang pag-alis.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, binigyang-diin ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na personal na desisyon ng kongresista ang maglakbay, matapos itong humiling kay Speaker at Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III ng travel clearance mula Disyembre 15 hanggang Pebrero 20, 2026 — isang halos dalawang buwang biyahe sa 17 bansa.

Ayon kay Castro, may sarili namang pondo si Duterte para sa kanyang pagbiyahe, kaya nasa kanya ang desisyon kung itutuloy niya ito.

Gayunman, dapat umano’y nalalaman ng kaniyang mga botante na nasa ibang bansa siya at halos dalawang buwan na nasa bakasyon.

Sa liham ng kongresista sa Speaker, nakasaad na bibisita siya sa mga bansang Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy, at Singapore.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni Duterte, personal na pera niya ang gagastusin sa biyahe at humiling din siyang payagan na makadalo sa plenary sessions nang remote habang nasa ibang bansa.