Itinaas na ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC) ang Blue Alert Status dahil sa banta ng Low Pressure Area (LPA) na posibleng maging isang ganap na bagyo.

Ayon sa CVDRRMC, ipinag-utos na sa lahat ng lokal na DRRMCs sa mga lalawigan, lungsod at munisipyo sa Rehiyon 2 na magtaas ng Blue Alert sa kani-kanilang mga tanggapan.

Mahigpit din ang tagubilin sa mga ahensya at LGUs na magbigay ng impormasyon sa publiko gamit ang lahat ng plataporma tulad ng TV, radyo, social media, at barangay announcements.

Magbigay ng malinaw na abiso at safety protocols sa mga komunidad, lalo na sa mga maaaring ilikas.

Maghanda ng Go Bag, i-monitor ang mga lugar na madaling bahain o gumuho, partikular sa may mga ilog at daluyan ng tubig, ihanda ang mga evacuation centers, maghanda sa posibleng suspensyon ng klase at trabaho, at preemptive evacuation kung kakailanganin at magsagawa ng assessment sa mga kalsada at tulay at maglatag ng detour plans.

-- ADVERTISEMENT --

Inaatasan din ni CVDRRMC Chairperson BGen. Leon Rafael Jr., ang lahat ng ahensyang miyembro ng konseho na magsumite ng regular na situational reports tungkol sa epekto ng LPA sa kanilang lugar.