Iminungkahi ng Senate Blue Ribbon Committee na payagang ideputize ng Office of the Ombudsman ang pribadong abogado upang tumulong sa pagsasampa ng kaso laban sa katiwalian, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.

Aniya, layon ng rekomendasyon na palakasin ang kakayahan ng Ombudsman sa paglaban sa korapsyon dahil kulang ito sa tauhan.

Kasama rin sa mungkahi ang pagkakaroon ng sariling law enforcement unit ng Ombudsman para sa pag-imbestiga at aplikasyon ng search warrants sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian.

Ang hakbang na ito ay kaugnay ng malversation at graft cases na isinampa ng Ombudsman laban sa ilang personalidad na konektado sa flood control project, kabilang sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., at dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez.

Ayon kay Lacson, malapit nang matapos ng komite ang partial report nito, batay sa nakalap na ebidensya, at posibleng dalawa hanggang tatlong hearings pa ang isasagawa.

-- ADVERTISEMENT --