Pansamantalang ikukulong si Customs fixer Mark Taguba sa detention facility ng Kamara dahil sa potential na banta sa kanyang buhay.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), ililipat si Taguba mula sa kanyang kulungan sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sinabi ng BuCor na mananatili si Taguba sa detention facility ng Kamara hanggang sa matapos ng Quad Committee ang kanilang imbestigasyon o hanggang sa matiyak na wala nang banta sa kanyang seguridad.

Ang paglilipat kay Taguba ng kulungan mula sa NBP ay matapos ang mosyon ni Abang Lingkod Party-list Representative Stephen Paduano sa QuadComm hearing noong Miyerkules ng gabi.

Sa nasabing pagdinig, pinandigan ni Taguba na sangkot sina Congressman Paolo “Pulong” Duterte at kanyang bayaw na asawa ni Vice President Sara Duterte sa P6.4 billion shabu shipment noong 2017.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit din niya na ang kanyang kasalanan ay ang “tara” scheme sa BOC para mailabas ang shipment containers, subalit hindi umano siya sangkot sa illegal drug trade.

Matatandaan na hinatulan ng Manila Regional Trial Court (RTC)-Branch 46 si Taguba at dalawang iba pa ng habangbuhay na pagkakabilanggo may kaugnayan sa nasabing shipment ng shabu.

Sila ay napatunayang guilty sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Noong buwan ng Setyembre, napatunayan din na guilty si Taguba at iba sa importation, receipt at facilitation, at misdeclaration sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act may kaugnayan pa rin sa nasabing shipment.

Sila ay nahatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 years na pagkakakulong at inatasan sila na magbayad ng multa na P50 million sa bawat bilang ng kaso na umaabot sa P150 million.