Ang improvised cannons na tinatawag na “boga” ang nangunguna na dahilan ng firecracker-related injuries sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sinabi ni Department of Health (DOH) spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na may iba’t ibang bersiyon na ang boga, na matagal ng ipinagbabawal sa bansa dahil sa delikado ito hindi lamang sa mga active users kundi maging sa ibang tao.
Ayon kay Domingo, maraming mga bata ang nakakakita ng mga “Do It Yourself” na mga videos online, kaya marami na ring bersiyon ang boga.
Sinabi niya na dati ay mga PVC pipe ang ginagamit sa paggawa ng boga, subalit ngayon ay may mga gawa na sa lata at bote na delikado kapag sumabog ang mga ito.
Bukod sa boga, ang iba pang firecrackers na nagbunsod ng injuries sa pagsalubong sa Bagong Taon ang 5 Star, kwitis, homemade firecrackers, at Piccolo.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, 141 na katao ang nasaktan dahil sa firecrackers sa pagitan ng 6:00 a.m. ng December 31 hanggang umaga ng January 1, 2025.
Sa kabuuan, umaabot na sa 340 ang naitalang kaso mula December 22, 2024 hanggang January 1, 2025, na mas mababa ng 34 percent kumpara sa 519 na kaso noong 2024 New Year.
Bukod dito, may naitala na namatay sa Luzon at Visayas dahil sa firecracker-related accidents sa pagsalubong sa Bagong Taon.