
Niyanig ng magnitude 6.7 na lindol ang Bogo City, Cebu ngayong Martes ng gabi, ayon sa ulat ng PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology).
Naganap ang lindol alas-9:59 ng gabi, at ang epicenter nito ay matatagpuan sa 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, Cebu.
Tectonic ang pinagmulan nito at may lalim na 10 kilometro.
Ayon pa sa PHIVOLCS, Intensity III ang naramdaman sa San Fernando, Cebu, habang Intensity II naman sa Laoang, Northern Samar.
Matapos ang pangunahing lindol, nasundan ito ng aftershock na may lakas na magnitude 5.0 bandang 10:24 ng gabi.
Ang epicenter nito ay nasa 7 kilometro timog-silangan ng Bogo City, at may parehong lalim na 10 kilometro.
Ayon kay Cebu City Mayor Nestor Archival, dahil sa pagyanig, agad na inilikas ang mga pasyente at staff ng Cebu City Medical Center sa labas ng ospital bilang pag-iingat.
Sinabi naman ni Cebu Governor Pam Baricuatro na maglalagay ng mga tent sa mga evacuation area para sa kaligtasan ng mga pasyente.
Hinikayat rin niya ang publiko na manatiling kalmado at huwag mag-panic habang patuloy na binabantayan ang sitwasyon.
Nagbabala ang PHIVOLCS na inaasahan pa ang mga aftershock sa mga susunod na oras.