Tuguegarao City- Nagpaalala ang Sanguniang Panlalawigan ng Cagayan sa lahat ng mga doktor na nag-iisue ng medical certificate sa mga pasyenteng nagpapakonsulta upang mapabilang sa priority list ng mga mababakunahan kontra COVID-19.
Sa panayam kay 3rd District Board Member Mila Lauigan, dapat suriin ng mga doktor ang mga pasyente bago bigyan ng medical certificate dahil marami ngayon ang nag-rereport na may mga nakakalusot sa vaccination priority list.
Punto ng opisyal, nakasaad sa ilalim ng batas na maaari silang maharap sa kasong falcification of public documents kung mapatunayan na hindi makatotohanan ang mga impormasyong nakasaad sa ipinapakitang sertipikasyon ng isang indibidwal.
Dumami kasi aniya ngayon ang impormasyon na natatanggap ng Sangguniang panlalawigan kaugnay sa pagkuha ng medical cetificate na isang requirement ng mga may comorbidity upang mabigyan ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa kanya, unfair para sa mga nasa priority list ang pagbibigay ng medical certificate sa taong wala namang karamdaman para lang makakuha ng bakuna.
Samantala, sinabi ni Lauigan na ipinatawag nila sa Sanguniang Panlalawigan ang mga kinatawan ng PHILHEALTH at inalam ang late na pagbabayad ng mga collectible lalo na sa claims ng mga public at private hospitals sa pagtugon sa COVID-19.
Sa ngayon ay marami na aniya sa mga hospitals ang nagpapaabot ng hinaing dahil sa posibleng epekto nito sa kanilang operasyon.
Ipinaliwanag naman ng PHILHEALTH na ang delayed sa pagbabayad ng mga claims ay dahil madami sa kanilang kawani ang tinamaan ng COVID-19 kaya’t apektado ang pagproceso sa mga ito.