Tuguegarao City- Patuloy pa rin ang puspusang kampanya ng kapulisan kontra iligal na droga at kriminalidad matapos ang paglulunsad ng “Bola Kontra Droga” sa Cagayan.

Sinabi ni Pcol.Ariel Quilang, director ng Cagayan Police Provincial Office na ang nasabing programa ay ang pakikipaglaro ng mga pulis sa mga tokhang responders.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay PCol. Ariel Quilang, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, bahagi umano ito ng pagkilos ng kapulisan na tulungan ang mga tokhang responders sa mga dapat gawin upang tuluyang magbago.

Dito aniya maipapakita ng kapulisan na handa silang tumulong sa mga nasasangkot sa iligal na droga upang sila ay tulungang makaiwas sa paggamit ng iligal na droga.

Matatandaang inilunsad ang “Bola Kontra Droga” noong Enero 16, 2020 kung saan ay tuloy- tuloy paring ikinakasa ito sa iba pang munisipalidad sa lalawigan ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, bahagi rin ng kampanya ng kapulisan ay ang programang “Bisita ni COP at ni PD” na naglalayon namang mapababa ang bilang ng nagaganap na krimen gaya ng rape, carnapping, shooting incidents at iba pa.

Panawagan naman ni Quilang sa publiko na umiwas sa anumang gulo, makipagtulungan at huwag mag-atubiling lumapit sa pulisya kung may mga napapansing kahinahinala upang agad na maaksyunan.

Umaasa ang PNP Cagayan na sa puspusang kampanya ng mga ito sa pagpapababa ng kriminalidad ay magiging matagumpay ang kanilang mga ikinakasang programa.