TUGUEGARAO CITY-Nagsagawa ng bomb threat simulation exercises ang Kalinga Police Provincial Office(KPPO) kasunod ng nag-leak na alert memo ng Intelligence Unit ng Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command na pag-atake umano ng mga miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa ilang lugar sa Northern Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Col. Russel Job Balaquit, Provincial Director ng KPPO, ito ay bilang pagtugon na rin sa derektiba ng kanilang Regional Director na maging handa sa banta ng ISIS.

Ayon kay Balaquit, isang scenario ang ginawa ng PNP Tabuk na may itinanim na bomba sa pampublikong pamilihan ng lungsod.

Aniya, layon nito na masukat ang kahandaan ng mga kapulisan tulad ng kung gaano kabilis ang pagresponde at kung ano ang mga unang nilang gagawin kung sakaling sumabog ang bomba.

Kaugnay nito, sinabi ni Balaquit na magsasagawa sila ng surprised bomb incident simulation exercise para maging mas makatotohanan ang scenario at maihanda rin ang publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na huwag galawin ang mga kahina-hinalang bagay na makikita sa mga matataong lugar bagkus agad ipagbigay alam ito sa pulisya.