Tuguegarao City- Nakasailalim ngayon sa lockdown ang himpilan ng Bombo Radyo Tuguegarao matapos magpositibo sa COVID-19 ang siyam (9) na empleyado.
Araw ng Sabado (Abril 3, 2021) ng sumailalim sa RT-PCR swab test sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang 15 na mga empleyado.
Pero bago ang swab test ay nag-isolate na ang mga empleado noong March 29 matapos na malaman na positive sa covid-19 si Rogie Sending, Information Officer ng Cagayan Information Office.
Si Sending ay regular na nagpoprograma sa Bombo Radyo para sa blocktime program ng Provincial Government na “Caygandang Cagayan” mula Lunes hanggang Biyernes.
Bilang pagtalima sa protocol ng DOH ay nag-voluntary swab test ang mga empleyado dahil sa nakasalamuha si Sending sa ating himpilan.
Bago lumabas ang swab test positive result ni Sending ay galing siya sa Marine Battalion Landing Team-10 sa Santa Ana, Cagayan kung saan marami ring Marines ang nagpositibo sa virus.
Nabatid na si Sending ay nakasalamuha din ni CV 12256 na unang tinamaan ng virus.
Lumabas ang kanyang resulta noong March 28 na dahilan para agad na umaksiyon ang ating himpilan at kinailangan na mag-isolate ang mga empleyado sa Bombo Radyo Building noong March 29 bilang pagtalima sa protocol.
Sa ngayon ay naka-quarantine na ang mga empleado sa mismong Bombo Radyo building.