Dumulog sa Department of Justice (DOJ) si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Miyerkules upang isumite ang kanyang pormal na sagot sa mga alegasyong kaugnay ng anomalous flood control projects sa Bulacan.

Kasama si Revilla bilang karagdagang respondent sa isa sa limang unang kasong kasalukuyang iniimbestigahan ng DOJ.

Ayon kay Atty. Francesca Señga, nagsumite si Revilla ng ebidensiya upang patunayan na ang mga paratang laban sa kanya ay “absolute lies and nothing but lies.” Wala ring iba pang kasong nakabinbin laban sa kanya sa DOJ.

Nabatid na na-implicate si Revilla matapos banggitin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na diumano’y naghatid ng P125 milyon sa bahay ni Revilla noong Disyembre 2024 at karagdagang P250 milyon sa pamamagitan ng kanyang aide bago ang 2025 elections. Inaasahan ng Office of the Ombudsman na malapit na sa resolusyon ang kaso.

Ayon kay Señga, umaasa si Revilla na magiging patas ang DOJ sa pagrepaso ng ebidensya at hindi hahantong sa korte ang reklamo.

-- ADVERTISEMENT --