Isinugod sa ospital ng Philippine National Police (PNP) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos siyang sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng kasong plunder.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, boluntaryong sumuko si Bonoan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame, Quezon City, bago ito dinala sa ospital dahil sa kondisyon ng kalusugan.

Sinabi ni Remulla na mananatili muna sa ospital si Bonoan habang mino-monitor ang kanyang kondisyon, at ililipat lamang ito sa Sandiganbayan kapag idineklara na siyang fit to stand trial ng mga doktor.

Dagdag pa ng kalihim, mahigpit na minomonitor si Bonoan at nasa ilalim ito ng full security at restricted access habang nasa ospital.

Kasabay nito, inihayag din ng DILG na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang iba pang co-accused matapos ang isyung arrest at surrender kaugnay ng desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na naglabas ng mga warrant of arrest.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Remulla, isinilbi rin ang warrant laban kay Senador Jinggoy Estrada sa Senado bago ito dinala sa CIDG para sa booking procedures at kalaunan ay ihaharap sa Sandiganbayan.

Tiniyak ng DILG na walang espesyal na pagtrato ang ibibigay sa mga akusado habang isinasagawa ang mga legal na proseso sa kanilang mga kaso.