
Hinimok ng Bureau of Quarantine (BOQ) ang mas pinaigting na kamalayan ng publiko tungkol sa Nipah virus sa halip na magpatupad ng travel restrictions, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, bagama’t may mga naitalang kaso ng Nipah virus sa West Bengal, India, wala umanong internasyonal na rekomendasyon para sa paghihigpit sa paglalakbay.
Sinabi niyang nananatiling bukas ang mga hangganan ng Pilipinas habang patuloy ang mahigpit na border screening tulad ng online health declaration, thermal scanning, at obserbasyon sa mga biyahero.
Nagpakalat na rin ang BOQ ng impormasyon at educational materials sa lahat ng ports of entry hinggil sa mga sintomas, paraan ng pagkahawa, at pag-iwas sa Nipah virus upang maging handa ang mga frontliner at ang publiko.
Tiniyak naman ng DOH na handa ang bansa na tumugon sakaling may matukoy na kaso ng Nipah virus sa Pilipinas, alinsunod sa umiiral na mga guideline.










