TUGUEGARAO CITY -Ginagawa umano ng binuong task force ang lahat para maresolba ang boundary dispute sa pagitan ng Betwang, Sadangga, Mt. Province at Bugnay, Butbut, Tinglayan, Kalinga.
Nilikha ang task force batay sa inilabas na executive order ni Kalinga Governor Ferdinand Tubban na ang
layunin ay agad na maresolba ang boundary dispute.
Sinabi ni Engr. Andres Ngao-i, pinuno ng task force at chairman ng Matagoan Bodong Council na ang
kanilang plano ay buhayin ang bodong sa pagitan ng dalawang tribe para sa pagkakaroon ng mapayapang
pagresolba sa nasabing usapin.
Ayon sa kanya, ito ay dahil sa nangyayaring patayan at mga harrassment sa pagitan ng dalawang tribes
Idinagdag pa ni Ngao-i na may nabuo ding kasunduan sa isinagawang pulong noon na hindi dapat na dinadala ang hidwaan sa pagitan ng dalawang tribu sa Tabuk City at sa iba pang bahagi ng Cordillera
Administrative Region at maging sa mga lugar na may nakatirang mga taga- Betwagan at Butbut.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Ngao-i na ang problema ay hindi lamang sa pagitan ng dalawang nabanggit
na tribu kundi saklaw na rin nito ang municipal at provincial government.
Ayon sa kanya, ito ay dahil sa walang malinaw na boundary sa pagitan ng Kalinga at Mt. Province.
Samantala, sinabi naman ni PCOL Davy Vicente Limmong, director ng Kalinga PNP may nangyaring pagpapaputok ng baril noong August 23 sa nasabing lugar.
Aniya, 11 putok ng baril ang narinig ng mga residente at agad ipinagbigay alam ito ng isang barangay
official sa pulisya.
Sinabi ni Limmong na hindi naman mabatid kung anong uri ng baril ang ginamit sa pagpapaputok dahil
mabundok at magubat ang pinangyarihan ng insidente.
Gayonman, inihayag nito na patuloy ang pagsasagawa ng mga otoridad ng mga interventions upang mapag-
usapan ang gusot sa pinag-aagawang lugar at gayon din ang nakatakdang pagsasagawa ng mga dayalogo.
Apela ni Limmong sa mga ito na maging mahinahon lamang upang maiwasan ang anomang paglala ng tensyon sa
pagitan ng dalawang panig.