Nasawi ang isang 37-anyos na babaeng BPO worker matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang asawa nang hindi bababa sa 12 beses sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang masukal na lugar noong Sabado, Disyembre 13, 2025. Karamihan sa mga saksak ay sa leeg na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, dumating sa lugar ang asawa ng biktima at nagpakitang emosyonal nang makita ang katawan ng kanyang misis. Kalaunan ay inamin ng suspek sa mga imbestigador na siya ang pumatay sa biktima.

Sinabi ng Police Regional Office–Northern Mindanao na umamin ang suspek sa krimen sa harap ng kanyang abogado.

Lumabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa habang patungo sa city proper noong gabi ng Biyernes. Mayroon na umanong mga naunang alitan ang mag-asawa na nauuwi sa pisikal na pananakit.

-- ADVERTISEMENT --

Tinitingnan ng mga awtoridad ang selos bilang posibleng motibo sa krimen. Inaalam din ng pulisya kung nasa ilalim ng impluwensiya ng ilegal na droga ang suspek nang mangyari ang pamamaslang.