TUGUEGARAO CITY-Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng konseho ng Tuguegarao ang ordinansang naglalayong i-obliga ang mga private at public establishment sa lungsod na magkaroon ng breast feeding room.

Ayon kay Councilor Atty. Marjorie Martin Chan na siyang may-akda sa naturang ordinansa, naisipan niya ang naturang ordinansa para mabigyan ng privacy ang mga ina na magpa-breastfeed sa kanilang mga sanggol.

Aniya, kung ang isang establishimento ay may 100 at mahigit na empleyado ay kailangan mayroon na itong breast feeding room.

Kaugnay nito, sinabi ni Chan na sa oras na mapirmahan ni Mayor Jefferson Soriano ang naturang ordinansa ay mahigpit na nila itong ipatutupad sa lahat ng mga establishimento sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Chan na sa unang paglabag ,agad mabibigyan ng abiso ang establishimento na hindi tatalima sa naturang ordinansa, sa pangalawa ay mabibigyan na ng karampatang multa at sa pangatlong paglabag ay maaring matanggalan na ng permit.

Hinikayat ni Chan ang mga nanay na may mga sanggol na dapat ay isailalim sa breast feeding ang mga anak dahil mas maganda ang dulot nito sa mga sanggol.