Patay ang isang kapitan at isang kandidato sa Sangguniang Bayan sa Barangay Nagtupacan, Lagangilang, Abra matapos ang barilan sa isang ginaganap na kampanya bandang alas-siyete ng gabi kahapon.

Base sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente nang mamataan ang barangay kagawad na si Rommel Apolinar malapit sa lugar kung saan nagdaraos ng pangangampanya ang Team Asenso sa Barangay Nagtupacan.

Dahil kilalang kakampi ng kalaban na partidong Team Progreso si Apolinar, nilapitan siya at sinuntok ni Sangguniang Bayan candidate Manzano Bersalona.

Agad naman umanong nagsumbong si Apolinar kay Kapitan Lou Salvador Claro, isang kakampi ng Team Progreso.

Pumunta si Claro sa lugar ng Team Asenso upang pahupain sana ang tensyon, subalit muli umanong sinuntok ni Bersalona si Apolinar, at gumanti ng suntok si Apolinar.

-- ADVERTISEMENT --

Dito na itinulak ni Bersalona si Claro at binaril ng ilang beses.

Samantala, isang hindi pa nakikilalang salarin ang gumanti rin ng pamamaril kay Bersalona.

Parehong dead on arrival sa ospital sina Claro at Bersalona.

Ang insidente ay naganap sa gitna ng mainit na tunggalian ng mga partidong Team Asenso at Team Progreso sa probinsya ng Abra.

Ang Team Asenso ay pinamumunuan ni suspended governor Dominic Valera, samantalang ang Team Progreso ay pinamumunuan ng magka-alyadong sina La Paz, Abra Mayor JB Bernos at ang dating gobernador na si Eustaquio Bersamin, na nagbabalik bilang kandidato sa parehong posisyon.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa krimen.