Ipinatutupad na ang total lockdown sa Barangay Caritan Norte matapos maitala dito ang dalawang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 kung saan may local transmission na sa lungsod.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 40, ipinag-utos ni Mayor Jefferson Soriano ang complete lockdown na nagsimula nitong alas 5:00 ng hapon (March 27) hanggang 14-days.
Sinabi ng alkalde na kasunod ito ng apat na kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod na kinabibilangan ng dalawa sa Barangay Caritan Norte na sina PH893 at anak niyang si PH275 na unang nagpositibo sa naturang sakit sa Cagayan.
Dalawa namang frontliners ang nagpositibo sa sakit na mula Barangay Caritan Sur at Caggay.
Ayon sa direktiba, hindi din pinapayagan ang mga residente ng Barangay Caritan Norte na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan at mahigpit na pinapasunod sa home quarantine.
Mag-uumpisa ang market hours ng 6:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng gabi at may inilaang oras sa bawat zone kung saan isa lamang kada household ang papayagang lumabas upang mamalengke sa itatayong talipapa malapit sa Barangay Hall.
Sakaling may emergency, sa barangay dapat makipag-ugnayan ang mga residente kabilang na ang pagbili ng mga gamot.
Habang striktong ipinapatupad ang home quarantine sa mga taong nakatira sa bahay ng mag-inang positibo sa virus at hahatiran na lamang ng kanilang pagkain.
Maaari pa namang makalabas ang mga frontliners pero hindi na sila papayagang makabalik pa kung kaya hinahanapan na ng pamahalaang lokal ang mga ito ng pansamantalang matitirhan.
Bukod dito, araw-araw na rin ang isasagawang paglilinis at pagdi-disinfect sa Caritan Norte.
Sa mga naimpound na tricycle at kalesa dahil sa mga paglabag ay siniguro ng alkalde na maibabalik ito sa may-ari sa oras na matapos ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Irerekomenda din ng alkalde sa bawat Barangay sa lungsod ang pagkakaroon ng dalawang service vehicle (tricyle) sa barangay hall na gagamitin at limitado lamang sa mga residenteng may importanteng pupuntahan.
Muling nanawagan ng kooperasyon ng publiko si Mayor Soriano sa gitna ng banta ng COVID-19.