TUGUEGARAO CITY-Isinailalim na sa pitong araw na total lockdown ang Barangay Centro 9, simula ngayong araw, Setyembre 16,2020 at matatapos sa Ika-23 ng kaparehong buwan dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng covid-19 sa lugar.

Ayon kay Bienvenido De Guzman, Vice Mayor ng Tuguegarao City, pitong kaso na ang naitala sa nasabing Barangay kung saan lahat ng ito ay local transmission matapos makasalamuha ang unang kaso ng covid sa lugar.

Ngunit, sinabi ni De Guzman na hindi na kasama ang Bonifacio street sa lockdown dahil malayo na ito sa mga kabahayaan kung saan naitala ang mga positive cases.

Kaugnay nito, ipinagbabawal na sa mga residente na lumabas at pumasok sa nasabing Barangay maliban na lamang sa mga nagtatrabaho sa ospital tulad ng nurse at duktors.

Tiniyak naman ni De Guzman ang ayuda o tulong para sa mga apektadong residente.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isinailalim din sa sampung araw na “zonal Containment” ang ilang bahagi ng Barangay Linao West at Pengue Ruyu dahil sa naitalang kaso ng virus.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng bise alkalde ang publiko na sumunod sa mga health protocols para hindi mahawaan ng virus para hindi na dumami pa ang bilang ng mga naitatalang positibo sa covid-19 sa lungsod.