Tinutugis na ng pulisya ang isang Brgy Chairman at tanod nito matapos tumakas sa pamamaril sa dalawang magsasaka sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Ayon kay PSSgt. Nilert Galla, imbestigador ng PNP- Gattaran, ang insidente ay nangyari noong January 17 subalit nitong Martes lamang iniulat sa pulisya dahil sa takot ng dalawang biktima.

Nagkaroon umano ng inuman sa Brgy Hall noong Biyernes, kasama sina kapitan at isang tanod matapos ang pamamahagi ng fertilizer voucher sa mga magsasaka na pinangunahan ng Department of Agriculture habang ang dalawang biktima ay nakipag-inuman sa isang bahay malapit sa Brgy Hall.

Sa pag-uwi ng mga biktima ay bigla umanong tinutukan ng baril ni kapitan ang isa sa mga ito at pinaputok ng tatlong beses sa ibaba at pagkatapos ay itinutok sa isang bahay at pinaputok ng dalawa pang beses.

Pagkatapos nito, naglabas naman ng kanyang baril ang tanod at pinaputukan ang bahay ng isa sa mga biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Maswerte namang walang tinamaan sa mga pagpapaputok ng dalawang opisyal ng barangay na layon umanong manakot dahil sa kalasingan.

Sa ngayon ay sinampahan na ang dalawang tumakas na suspek ng reklamong paglabag sa Omnibus Election Code, paglabag sa R.A. 11926 o Indiscriminate Discharge of Firearms at attempted homicide.