TUGUEGARAO CITY-Gigibain ngayong araw, Setyembre 13,2019 ng Task Force Clean and Order ng Tuguegarao ang Barangay Hall ng Centro 8 ng lungsod.

Ito’y bahagi pa rin sa road clearing operation bilang pagtalima sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at sa naging atas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Edmund Pancha, City Information Officer ng lungsod, pangungunahan ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang paggiba sa naturang Brgy. hall.

Ang nasabing Brgy. hall ay nasakop ang ilang bahagi ng kalsada na maaari pang daanan ng mga sasakayan.

Maghahanap naman ng bagong lokasyon ang mga opisyal ng nasabing barangay para pagtayuan ng bagong barangay hall.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang paggiba sa naturang barangay hall ay pagpapakita na kahit pagmamay-ari ng gobyerno na sagabal sa pampublikong kalsada ay hindi pinapalampas ng task force bilang pagtalima sa utos ng presidente.

Maalalang una nang giniba ang barangay police outpost ng Centro 1.

Samantala, nasa 85 percent na umano ang natapos sa ginagawang road clearing operation sa lungsod ng Tuguegarao.

Dahil dito, kumpiyansa si Pancha na matatapos ang road clearing operation sa Setyembre 27, ang deadline na ibinigay ng DILG para tanggalin ang mga ipinatayong istruktura at iba pang sagabal sa maayos na daloy ng trapiko sa mga pampublikong lansangan.