

Tuguegarao City- Itinuturing na epicenter ng local transmission sa ngayon ang barangay Linao West, Tuguegarao City matapos madagdagan ng siyam ang bilang ng mga panibagong tinamaan ng COVID-19 sa lugar.
Ito ang sinabi ni Acting City mayor Bienvenido de Guzman bunsod ng pagpositibo sa virus ang mga residente na walang mga travel history.
Sinabi nito na kasalukuyan na ang ginagawang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyente.
Mayroon din aniya silang mga natukoy na karagdagan pa sa mga ito na nakaline up para sa swabbing.
Iginiit pa ng opisyal na sakaling madadagdagan pa ang bilang ng mga magpopositibo sa virus ay hahabaan din ang araw ng lockdown sa nabanggit na barangay.
Unang ipinatupad ang lockdown sa Brgy. Linao West noong Setyembre 17 na tatagal hanggang Setyembre 26 ngayong taon.
Samantala, sa ngayon ay pumalo na sa 49 ang active cases ng COVID-19 mula sa iba’t ibang Barangay sa Tuguegarao City.




