Inilabas na ang mga alituntunin na dapat sundin ng mga residente ng Barangay Tallang, Baggao na nasa ilalim ng Barangay lockdown .

Itoy alinsunod sa kautusan ni Mayor Joan Dunuan na isailalim sa lockdown ang dalawang Barangay sa Baggao matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang meat vendor sa Tallang Public Market na residente sa Barangay Remus.

Batay sa Kautusang Barangay na pinagtibay ng konseho at nilagdaan ni Brgy. Chairman Honorato Javier, iniuutos sa mga residente ang mahigpit na pagpapatupad sa mga alituntunin sa 14-days barangay lockdown na nagsimula noong April 27.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Kap. Javier na sinaraduhan na ang mga entry at exit points ng barangay at naglagay na rin ng checkpoints, katuwang ang Baggao Rescue at PNP para sa maigting na pagpapatupad ng lockdown.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng lockdown, hindi papayagang lumabas ng Barangay ang mga residente, maliban na lamang sa mga naatasang bibili ng relief goods o emergency.


Papayagan lamang ang mga residenteng may quarantine pass na lumabas ng bahay sa kanilang scheduled hours upang mamili ng mga basic needs sa Tallang Public Market.

Papayagan namang magbukas ang mga establisyimento na nagbebenta ng essential needs tulad ng pagkain na pagmamay-ari ng hindi taga-Tallang subalit kailangan itong mamalagi sa kanyang pwesto hanggang sa pagtatapos ng lockdown.

Maaari namang ipabili sa Baggao Rescue 1127 na nakatalaga sa checkpoint ang mga bibilhing gamot sa labas ng Barangay.

Dagdag pa ni Javier, mandato na rin ang pagsusuot ng facemask kahit na nasa loob lamang ng bahay habang ipinagbabawal din ang walang helmet at may kaangkas sa motorsiklo.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa Barangay hotline sa numerong 0917-154-9192.