Itinanggi ni dating Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez na gumamit siya ng pekeng driver’s license upang makapasok sa isang casino.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Hernandez na hindi niya alam ang tungkol sa isang lisensyang may kanyang larawan ngunit nakapangalan sa alias na “Marvin de Guzman.”

Ayon kay Hernandez, ang kanyang casino membership ay hindi niya personal na inayos kundi inihanda ng isang Mike Archibal, na umano’y nagrehistro sa ilalim ng alias na “Marvin de Guzman.”

Dagdag pa niya, isang kinatawan mula sa Solaire ang tumulong sa proseso ng pagkuha ng membership.

Kumpirmado namang nakapasok at nakapaglaro si Hernandez sa casino noong 2022 gamit ang membership number.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, iginiit niyang wala siyang hawak na membership ID o lisensya sa ilalim ng naturang pangalan.

Samantala, binigyang-diin ni Senator Panfilo Lacson ang mga magkakasalungat na pahayag ni Hernandez, matapos ipakita ang liham ng Okada na nagsasabing siya mismo ang nagparehistro gamit ang driver’s license na nakapangalan sa alias.

Binalaan ng senador si Hernandez na magkaisa ang kanyang mga sagot dahil nawawala ang kredibilidad nito sa harap ng mga ebidensya.

Si Hernandez ay nabigyan ng legislative immunity upang ilahad ang umano’y “hating-kita” ng ilang engineer mula sa mga ghost projects ng DPWH sa Bulacan.

Sa mga naunang pagdinig, inamin naman ng dating Bulacan district engineer na si Henry Alcantara na nakapasok siya sa casino gamit ang pekeng ID, kasama sina Hernandez at Jaypee Mendoza.