Itinanggi ng kampo ni dating DPWH engineer Brice Hernandez na babawiin niya ang kanyang testimonya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon sa abogado ni Hernandez, hindi totoo ang balitang magsusumite siya ng recantation.

Wala pang karagdagang detalye ang abogado, ngunit inaasahang malilinaw ang mga usapin sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Enero 19.

Samantala, sinabi ng chairperson ng Blue Ribbon Committee na si Senador Panfilo “Ping” Lacson na tatalakayin ng komite ang ulat tungkol sa recantation sa nalalapit na pagdinig.

Binigyang-diin din niya na maaaring managot sa perjury ang sinumang magbawi ng kanilang testimonya dahil ito ay ginawa sa ilalim ng panunumpa.

-- ADVERTISEMENT --

Ang isyu ay lumitaw kasunod ng alegasyon na si dating DPWH District Engineer Henry Alcantara ay nag-recant rin ng kanyang testimonya.

Ayon sa tagapagsalita ng Department of Justice na si Polo Martinez, wala pang naipasa o na-review na affidavit ni Alcantara na nagbabalik ng kanyang mga pahayag.

Noong Setyembre 2025, itinanggi na ni Alcantara ang kanyang partisipasyon sa ghost flood control projects.

Inamin lamang niya na nagbigay at gumamit ng proyekto sa mga in-house contractors, ngunit iginiit niyang hindi niya iniutos na gumawa ng mga phantom projects.