Tuluyan nang itinakwil ni Brooklyn Beckham, 26 anyos, ang kanyang sariling mga magulang — ang football superstar na si David Beckham at ang dating Spice Girls member na si Victoria Beckham.

Matagal nang balita sa international news outlets ang hidwaan ni Brooklyn at ng mga magulang nito.

Lalo itong tumindi ngayong Martes, Enero 20, 2026, dahil nagsalita siya na ayaw na niyang makipag-ayos at makipagkasundo sa kanyang pamilya.

Sa pamamagitan ng Instagram Stories, isiniwalat ni Brooklyn ang maraming dahilan ng kanyang desisyong talikuran ang sariling pamilya.

Sinabi niya na sa maraming taon ay nanahimik siya, subalit patuloy daw ang paglabas ng kanyang mga magulang sa press, kaya wala daw siyang choice kundi magsalita na tungkol sa ilang kasinungalingan sa kanilang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Mabibigat ang mga paratang ni Brooklyn laban sa kanyang magulang, lalo na kay Victoria at ang hindi umano magandang trato nito kay Nicola Peltz, ang American actress na pinakasalan niya noong Abril 9, 2022.

Nagsimula raw ito bago pa man siya ikasal, at hindi raw ito natapos.

Binanggit ni Brooklyn ang insidente kung saan bigla raw pinakansela ni Victoria ang pagpapagawa ng wedding dress ni Nicola, na excited pa naman daw isuot ang sariling design ng kanyang moher-in-law, kaya napilitan daw itong humanap ng panibagong damit sa last minute.

Inakusahan din ni Brooklyn ang mga magulang na pinilit siyang isuko ang anumang karapatan sa paggamit ng kanyang pangalan bago ang kasal nila ni Nicola sa Florida upang protektahan ang Beckham brand sa halip na suportahan ang kanyang personal na kaligayahan.

Bukod kay Brooklyn, ang iba pang mga anak nina David at Victoria ay sina Romeo, Cruz, at Harper.