Kinumpirma ni Corrections Senior Supt. Gerardo Padilla ang testimonya ng hitman na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals na nakulong sa Davao Prison and Penal Farm, at inamin din na binati siya ng dating pangulo.
Sa pagdinig ng quad committee kahapon, ibinigay ni Padilla ang kanyang supplemental affidavit, na naging subject ng interpellation ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.
Kinumpirma ni Padilla ang testimonya ni Leopoldo Tan, ang hitman na inatasan na pumatay kina Chu Kin Tung, Jackson Lee, at Peter Wang na nag-usap sila ni Duterte sa telepono at binati siya dahil nagawa ang kanyang ipinag-utos.
Inamin din niya na kinausap niya sina Police Col. Royina Garma and retired Police Col. Edilberto Tan para sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals.
Una rito, sinabi ni Padilla, tinawagan siya ni Garma para sa operasyon sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals.
Ibinigay ng hitman na si Tan ang kanyang testimonya sa quad committee dahil sa pagkadismaya sa nakalipas na administrasyon, dahil siya at ang kapwa hitman na si Fernando Magdadaro ay pinangakuan ng pera at kalayaan kapalit ng pagpatay sa tatlong Chinese nationals, subalit hindi ito natupad.
Sinabi ni Tan na pinangakuan sila ni Magdadaro ng tig-P3 million sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals, subalit binigyan lamang sila ng P2 million.
Ayon kay Tan, hindi na mahalaga na kulang ang ibinigay sa kanila na pera, subalit hindi natupad ang pangako na sila ay makakalaya.
Una rito, na-cite in contempt si Padilla ng quad committee dahil sa kanyang pagsisinungaling, matapos na igiit na hindi niya alam ang utos na ilipat ang Chinese nationals sa selda kung saan naroon sina Tan at Magdadaro.
Mariing pinabulaanan naman ni Garma ang mga testimonya ni Padilla at dalawang hitman.