
Pinag-aaralan ni Senate Finance Committee Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian ang posibilidad ng pagbawas sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bunsod ng mga alegasyon ng overpricing sa mga proyektong imprastruktura.
Ayon sa senador, kasalukuyan nilang nire-review ang mga work programs ng DPWH at ikinukumpara ito sa assessment ng mga pribadong engineer upang matukoy ang aktwal na antas ng overpricing.
Kapag napatunayang sobra ang presyo, balak nilang magbawas ng porsyento sa budget ayon sa natukoy na sobra—halimbawa, 10% o 20% across the board.
Bukod sa pagbabawas ng pondo, plano rin nilang ilipat ang pagpapatupad ng ilang proyekto sa ibang ahensya tulad ng DepEd, Department of Health, DND, at PNP upang mapadali ang accountability.
Inalis na rin ang halos ₱3 bilyon na pondo ng TIKAS program mula sa DPWH at inilipat sa Department of National Defense.
Iminungkahi rin ni Gatchalian na alisin ang Unprogrammed Appropriations maliban na lang sa mga proyekto na may foreign loan, upang maiwasan ang paggamit nito sa mga proyektong walang malinaw na line-item tulad ng flood control.
Sa kabila ng mga reporma, tiwala ang senador na maaaprubahan pa rin ang pambansang budget bago mag-Pasko.