
Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Buguey, Cagayan ang produksyon ng alimango at turismo sa bayan upang makamit ang target na maging *Crab Capital of the Philippines mula sa kasalukuyang pagkakakilala rito bilang Crab Capital of Northern Philippines.
Ayon kay Mayor Licerio Antiporda III, patuloy ang mga hakbang ng pamahalaang bayan upang mapalago ang produksyon ng alimango at matiyak ang tuloy-tuloy na kabuhayan ng mga crab grower at mangingisda.
Kabilang dito ang paghihigpit sa paghuli ng maliliit na alimango o crablets upang mapangalagaan ang kanilang populasyon at mapanatili ang suplay. Sinabi ni Antiporda na dokumentasyon na lamang ang kailangan upang maisulong ang pormal na pagkilala sa Buguey bilang Crab Capital of North Luzon, sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Philippine Statistics Authority.
Samantala, nakatutulong din sa pagdami ng mga bisita ang cold storage facility ng bayan, na nagbibigay-daan upang maging available sa buong taon ang mga seasonal seafood. Plano ng lokal na pamahalaan na humiling sa Department of Agriculture ng karagdagang solar-powered cold storage facility upang mas mapalawak ang kapasidad sa pag-iimbak ng mga alimango at iba pang lamang-dagat.
Bukod sa food tourism, pinalalakas din ng Buguey ang eco-tourism upang madagdagan ang mga atraksyon nito at maisama sa tourism circuit na binubuo ng Provincial Tourism Office.
Inihayag ang mga hakbang na ito sa press conference kasabay ng pagdiriwang ng 5th Buguey Crab, Mangrove and Nipa Festival 2026, na dinaluhan bilang panauhing pandangal ni Department of Agriculture Assistant Secretary Daniel Alfonso Atayde.










